CLICK HERE FOR BLOGGER TEMPLATES AND MYSPACE LAYOUTS »

Thursday, August 28, 2008

Ang 'courtroom' sa IAS


Isa ako sa mga testigo sa kaso ng aking tiyahin laban sa mga mapang-abusong mga pulis sa aming bayan. Sa IAS, ang korte o ahensya sa Camp Crame na dumidinig sa mga hinain ng mga sibilyang inabuso't inapi ng mga pulis, kami ay nagpunta kasama ng iba pang mga testigo na bukas loob na tumulong at nagnais din ng pagbabago sa bulok na sistema ng ka-pulisan sa bansa.

Sa loob ng IAS, kami ay pinaghintay sa isang sopang asul na butas-butas animo'y ningat-ngat ng daga habang ang palabas sa telebisyon upang malibang ay WOWOWEE. Pagkatapos ng 1 oras, narinig namin ang tawag ng clerk at kami ay dinala sa isang silid na kanilang tinawag na 'courtroom'.

Sa 'courtroom', May tatlong mahahabang upuan na wala sa ayos ang unang tumamban sa paningin ko. Umupo ako sa ikalawang upuan at kinagulantang ko ang isang banig at unan na nakapatong sa 'telephone directories' na nakalatag sa kaliwang bahagi nito. Nang makita ko ang kakaibang mga bagay na iyon, lalong naglikot ang aking mga mata at naghanap pa ng iba pang kakatwang mga bagay sa loob ng silid at hindi naman ako nabigo, sa itaas pa lang o sa kisame ng silid kakatwa na ang dalawang 'flourescent bulbs' na ang isa ay pundi at ang isa'y may sindi. Mula sa 'flourescent bulbs' bumaba ng ilang distansya pa lamang ang aking mata at ang dingding na nakadikit sa kisame ay gawa sa isang hubad na 'plywood' at sa kalagitnaa'y biglang naging sementong may pinturang asul. Hindi ako nakuntento'y tumingin ako sa harapan ko at nakita ko na ang upuan ng hukom ay may 'backpack' na nakapatong at ang nasabing upuan ay nakabuyangyang sa pinakadulong sulok, pahilaga ng kaliwang bahagi ng silid. At mula sa upuan ng hukom, tumingin ako paibaba o sa sahig at nakita ko ang isang paris ng botang pang-militar sa ilalim ng pahabang kahoy na upuan sa aking harapan....

Napaikit ako at nag-isip, nananaginip ba ako? nagkamali ba kami ng silid na pinasok? Hindi. Hindi ako nananaginip at hindi kami nagkamali sa silid na aming pinasok. Mas maganda pa ang managinip kaysa bulayin ang reyalidad sa loob ng silid na lulan ko sa mga oras na iyon.. isa iyong bangungot.

Ang ''courtroom' na pinagdausan ng pagdidinig ng kaso ng aking tiya sa IAS ay salamin ng sistema ng pulisya sa ating bansa.
Ang ''courtroom' na pinagdausan ng pagdidinig ng kaso ng aking tiya sa IAS ay halintulad ng mga pulis na aming nireklamo, nabubulok na.
Ang ''courtroom' na pinagdausan ng pagdidinig ng kaso ng aking tiya sa IAS ay repleksyon ng ating bansa, naghihingalo na at kailangan na ng pagbabago...

Pagbabago na kailangang baklasin lahat tsaka bumuo ng bago mula sa mga abo nito.
Pagbabago na tulad ng kamataya'y kailanga'y mawalan ng dugong dadaloy sa iyong sistema at umasa sa pagsilang ng bago't inosenteng sanggol.

Mula sa IAS hanggang sa sanggol, ang layo kung ito ay iyong titingnan pero kung gagamitan ng isip at pang-unawa, ang IAS ay depenisyon lamang ng sanggol, ang sanggol ay depenisyon ng IAS.

Muli ako ay babalik sa IAS upang kahit sa maliit na bagay ay magsindi ng ngisi sa apoy na lalagablab tungo sa pagbabago.

0 comments: