CLICK HERE FOR BLOGGER TEMPLATES AND MYSPACE LAYOUTS »

Monday, September 22, 2008

Ang Dalawang Mukha ng Intramuros

Dahil sa di inaasahang pangyayari, wala akong pera sa araw na ito. At nagkataon naman na nautusan ako ng aking ina na lakarin ang ilang mahahalagang papeles sa isang opisina na makikita sa isa sa mga gusaling nakatayo sa kalagitnaan ng Intramuros. At sa hindi ko rin inaasahang pangyayari'y kailangan kong gumastos ng dos para pagpapa-photocopy ko ng isang pirasong papel! At ang nasabing dos na iyon ang bumubuo sa student fare kong siyete pesos na siyang nagpakunot ng noo ko! "Hay!" yun na lamang ang masasabi ko sa oras na iyon.

Mula Intramuros ay nag- Death March ako patungong Ermita dahil doon ang sunod na dapat kong puntahan ayon sa bilin ng nanay ko (Ang mga utos ng nanay ko ata dapat kong sisihin sa mga pasakit ko..hehe). At ang ruta ko ay mula sa Intramuros Gate papuntang pier, pakaliwa sa Padre Burgos Ave., pakaliwa nanaman patungong T.M. Kalaw hanggang Padre Faura. Sa mga sidewalk na aking nilalakaran partikular sa gilid ng Intramuros Golf Course napansin ko ang mga bakal na harang na halatang nilikha ng may arkitektura at hindi naman siya bago sa paningin ko at sa loob-loob ko nga eh, "Ang boring ng design! Di man lang maisipang palitan."

At sa kabilang bahagi ng barikadang iyon ko nakikita at napapanood ko ang mga golf caddie na umaalalay sa mga manlalaro ng golf na natural lamang ay mula sa mga may-perang estado ng lipunan. Larong pangluho para sa akin ang golf at aksaya lamang sa perang kinukupit ng mga opisyal ng gobyernong Pilipinas ang larong ito na madalas kong makita sa telebisyon o di kaya sa mga pahayagan. At bukod sa harang, mga golf caddie at mga naglalaro ng golf, napansin ko din ang mga timawa at nakasalampak sa lupa na mga maralita sa bahagi ng barikada na aking kinatatayuan. "Aray ko..", mga katagang sinasabi ng isip ko, kitang-kita mula sa magkabilang bahagi ng barikada ng Intramuros Golf course ang layo ng agwat sa buhay at estado sa lipunan ng mga taong nasa loob ng barikada na pinoproteksyunan nito- may pera, nag-gogolf, mga di timawa; At ang mga hinaharangan ng barikada- mga mahihirap, salat sa salapi at mga timawa.

Naalala ko bigla ang kasaysayan ng Intramuros noong panahon ng mga mananakop na kastila, ang Intramuros ay lugar na ekslusibo para sa mga kastila, may lahing kastila at mga illustrado. At napailing ako sa naisip ko, na ang Intramuros mula noon at hanggang ngayon ay lugar na tanging maputi, may salapi at edukado lamang ang makakapasok. Mula noon at hanggang ngayon sinasalamin niya ang malaking kaagwatan ng lipunan na ating ginagalawa. Mula noon at hanggang ngayon ang mga mapanakop lamang ang may mukhang makakatapak sa Intramuros at hanggang silip na lamang ang mgas timawa mula sa labas. Mula noon at hanggang ngayon ay hindi pa rin tayo nakakawala sa nasabing multo ng 'kolonyalismo' sa Intramuros.

Noon mga puti ang nang-aapi at walang pakialam, Ngayon mga kakulay na natin ang siyang umaanyo nito. Kung ako ang tatanungin kung sino ang may sala sa ganitong sitwasyon ng ating lipunan, ang masasabi ko lamang ay... ANG PAREHONG BAHAGI NG BARIKADA. Lahat responsable kaya lahat dapat kumilos. Pero di ko pa rin palalampasin ang mga katagang iniwan ni Rizal:

"Walang Alipin kung Walang Nagpapaalipin."

Ano ang kinalaman nito sa kuwento ko? Pag-isipan mo.

Nakauwi ako sa bahay namin sa Bulacan. Papaano? Naniniwala kasi ako sa dpanalangin at milagro.

0 comments: