I. ‘Pagka’t May Dalang Halihaw ang Tula
Hindi humihingi ng paumanhin ang panulaan.
Hindi nagpapasintabi, manapa’y nag-aalay.
Di lamang ng kulay,
lumilikha ito ng buhay
na karanasan ng masa sa entabladong lupa,
‘pagka’t may dalang halihaw ang tula.
Di lamang kiliti.
Salaysay nito ang dalamhati
ng mga ginang at ginoong di-nakakabigkas ng tula.
Kaya’t hindi mahika ang hatid ng makata.
Di lamang pagkamangha.
Usal nito ang pagkaunawa
ng mga ale at mama sa hamon ng pagbabanyuhay.
Dahil kung kagigiliwan lamang ang tula’y anong saysay?
Dili’t palamuti,
diwata sa guni-guni
ng matatakuting paslit na busog sa paksiw na ayungin,
o ng obrerong mas pabigat sa tiyan ang nilupak na saging.
Di tulad ng espasol,
hatid nito’y hangin
sa sikmura; kundiman pagtakap ng bibig sa kawalang-lasa.
‘Pagka’t may hatid na halihaw ang tula.
Di lamang sa diwa,
bagkus ay sa praktika.
II. Kapag Tumula ang Masa
Kapag tumula ang masa
agapan mo ang kanilang talinhaga.
Di bale na muna ang sukat
ngunit wag lilibsan ang tugmang maliligat.
Kagiliwan mo ang romansa,
laruin ang dulas ng awit at prosa,
halukayin ang lalim;
may kahulugan pati ang kanilang tighim.
Dahil kapag tumula ang masa
bumabalong ang mga talata.
Kaya’t aagapan mo ang kanilang balintunaan,
rurok at imortalidad ng karanasan;
pagsasatao ng mga walang kaluluwa,
pagbibinyag, debate, pati litanya.
Punan mo ang mga pagitan ng linya
at wag kang pagagapi sa aliterasyon ng dila.
Kapag tumula ang masa,
damhin ang gaspang ng kanilang hininga,
dahil kapag tumula ang masa,
di sila naka-Barong Tagalog
at walang lawrel sa tuktok.
Kaya’t higit na mahalaga ang retina,
pang-amoy, pandama at duda.
Dahil kapag tumula ang masa
marani’y hindi sila nagsasalita.
III. Ang Mapahiya at Magyabang
Sino ba ang hindi mapapahiya
kung pagtaasan ka ng kilay at pagkibitan ng balikat
ng kapwa mo makata?
Dahil ang tula mo ay kapos sa saliw,
aliw,
aliw-iw
at di nagmamaliw
na pagkabaliw sa teknika.
Sino ba ang hindi magyayabang
kung pagtaasan ka ng kamao at matapik sa balikat
ng pinaglilingkuran mong magsasaka?
dahil ang tula mo ay apaw sa awit,
galit,
at dalit
ng naghihimagsik
na katuturan ng praktika.
0 comments:
Post a Comment