Tutulaan kita ng tulang malumbay,
Tula ng hinagpis at panghihinayang:
Kaming inulila ng iyong paglisan
Nagpapasalamat at kami'y dinalaw.
Lahat ng akda mo tungkol sa lipunan,
ilaw na nagbukas sa daming pintuan,
Ang pinasok nami'y bulwagan ng araw,
Sumanib sa amin ang kaliwanagan.
Tutulaan kita ng tulang mapayapa,
Tulang kikilala sa iyong adhika
Na ang kasaysayan ay mula sa ibaba
Ay maisasalaysay ng mga naaba.
Itong sambayanang itinanikala,
Binigyan ng dila't pinagpagsalita,
Kanilang himagsik at mithiing paglaya,
Binigyan ng puwang ng diwa mo't katha.
Tutulaan kita ng tulang maalab,
Tulang nagbabaga, tulang nagniningas,
Aking itatanghal anmg plumang pangahas
Na nagbigay talim sa pamamahayag.
Ang lipunan nati'y tinistis mong ganap,
Anino at tabing ay iyong nilaslas,
Piyudal at kolonyal sabay itinambad,
Kamalayan nami'y pinapaglagablab.
Ngayong nalulumbay ang sambayanan,
Pamanang liwanang iinagt-ingatan,
aariing dupil ng giting at tapang,
Gagawing sandata sa pakkilaban.
Kaming pinalaya ng kaliwanagang
Dulot ng diwa mong katimyas-timyasan,
Uusigin namin ang kinabukasan,
At tutuluaan ka ng tulang palaban.
galing sa aklat ni Bienvenido Lumbera na POETIKA/POLITIKA: Tinipong mga Tula
Thursday, July 24, 2008
Elehiya para kay Renato Constantino
Posted by Indiobotod at 4:09 PM
Labels: Literatura
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment