CLICK HERE FOR BLOGGER TEMPLATES AND MYSPACE LAYOUTS »

Wednesday, April 16, 2008

6 na Oras

Isang umaga ng sabado, ako ay nagbiyahe patungong Norte partikular sa lungsod ng Baguio. Personal ang aking dahilan ng pagpunta roon kaya hindi na mahalaga na akin pa itong bigyan ng diin sa blog na ito. Sakay ang bus na Dagupan (dahil mas mura ito kaysa sa Victory Liner at may student fee pa!) nadaanan ko ang mga makasaysayang lalawigan patungong Baguio sa loob ng 6 na oras. At sa loob ng 6 na oras, sa pagitan ng Maynila at Baguio, sa loob at gawain ng mga pasahero ng bus na aking lulan marami akong napuna at naging mga hinanakit. Dala-dala ko sa aking isipan ang lahat ng kaganapan sa bansa, at sa bawat lugar na madaan ng aking sinasakyan bus at sa mga istasyong hinihintuan; wala akong ginawa kundi hanapin ang mga kasagutan sa aking mga tanong, panindigan na may pag-asa pa kami at puro kasinungalingan ang balitang pinakakain sa aming mga isipan ng gobyerno't media. At sa dulo'y tama nga lahat ng aking mga agam-agam!

Sa gitna ng biyahe, Nabasa ko sa diyaryong Inquirer na ang mga dahilan sa 'Krisis sa Bigas', [na eksaheradang pinapalitan ng ilang sektor ng gobyerno, politiko at ng media rin mismo ng 'Krisis sa Pagkain' upang magkaroon ng matinding kaguluhan, lalong masuklam ang tao sa kasalukuyang administrasyon, at mapadali ang kani-kanilang makasariling hangarin, na siyang masasabi kong pagbabadya ng mas magulong Pilipinas] ay (1) kawalan ng magandang repormang pangsaka; (2) marami sa lupaing pangsaka ay kanilang ginagamit para sa produksyon ng biofuel kaysa sa bigas; (3) patuloy na paglobo ng populasyon; at (4) ang mga lupang pangsaka bukod sa isyu ng biofuel ay ginagawang subdibisyon, mall at iba pang establisimyento.

Nang mabasa ko ang mga dahilan na ito, tunay na nangalit ako! para sa akin ang mga nasabing mga dahilan ng problema o mga bigkis ng problema ay puwedeng masolusyonan ng mag-isa! Kahit hindi mo ito ikabit sa lumalalang krisis sa bigas may magagawa tayo dito! Sa bawat problemang nabanggit ay may kaakibat na sektor ang pamahalaan para ayusin ito, may nakalaan na kaalaman at pera sa mga ito, may kapangyarihan sila upang ayusin ito! Hindi dapat umabot sa krisis o ikabit ang mga ito sa pangunahing problema ngayon kung inayos nila ang kani-kanilang trabaho at kung nagtatrabaho nga ang mga nasa itaas!

Hindi lamang dapat ang gobyerno ang ating sisihin kundi tayo rin! Kung bubuksan lang natin ang makitid nating isipan at mga nagbubulag-bulagang mga mata, maiintindihan natin ang tunay nating papel sa lipunan! Gawa hindi sigaw! Paninindigan hindi paninira ng kapwa! At kapag may gawa at paninindigan na tayo patunayan natin na karapat-dapat tayo, at sa personal nating mga buhay at panawagan ay tapat tayo, hindi bulok tulad ng ating mga pinuno upang may mukha tayong maihaharap sa kanila at sa buong mundo!

Mula Bulakan hanggang Baguio'y nagkalat ang mga lupang pangsaka at mga lupang puwedeng tamnan ng palay at mais. Marami ring tigang na lupa para sa biofuel para mabawasan na rin ang sapilitang pagtitigang sa lupang magbibigay ng buhay at magpapakain sa mga kumakalam na sikmura ng nakararaming Pilipino. Madaming organisasyon, pamamaraan ang mga Unibersidad, paaralan, na may pakundangan para sa bansa! mga taong binubuhay ang kamalayan ng mga Pilipino, binabalik ang Pagka-pilipino na dapat bigyan ng pansin di lamang ng Pamahalaan kundi mas lalo na ng mga ordinaryo at mas nakararaming Pilipino! Tanggalin ang pagiging negatibo at maging positibo sa lahat ng bagay! At saan naman tayo kukuha ng mga positibong bagay? mula sa mga pangit na nagyayari sa bansa, sa ating mga pangarap at pagmamahal sa bayan at pagka-Pilipino kung mayroon pang natitira! Lumolobong Populasyon? Edukasyon ang sagot sa bagay na iyan! Ang simbahang Katoliko at mga wala sa lugar na mga organisasyon ang matinding kalaban ng problemang ito! Punan ninyo ang isipan ng mga mamamayan at sila ang hayaang ninyong maghusga sa katotohana't reyalidad sa ating bansa! Sistema at batas ay pairalin, ano pa ang silbi ng Kostitusyon kung hindi naman ito ipinatutupad?! Itigil ang korapsyon, pagnanakaw, pangongopya at kahit anong mga gawain para sa pansariling interes, ito ay para sa lahat- publiko man o pribado, personal man o sa gobyerno dahil pare- pareho tayong lahat! Ang kakapal ng ating mga mukha kung tayo ay magrereklamo sa walang pakundangang korapsyon ng Gobyerno eh tayo rin naman ay ganoon din sa ating mga sarili at lalo na sa ating kapwa.

Sa bawat 6 na oras dumaloy na ba ang ganitong kaisipan sa inyo? Hari nawa...

0 comments: